May Nabasa Akong Post sa Facebook

12:39:00 AM

ni Kirby Vicente

May nabasa akong post sa Facebook
May nabasa akong post sa Facebook

Tungkol sa paglibing kay Marcos sa
Libingan ng mga Bayani
Tungkol sa paglibing kay Marcos sa
Libingan ng mga Bayani

Hindi ko ito maintindihan
Hindi ko ito maintindihan

Bakit may mga tumututol?
Bakit ang daming sumasang-ayon?

Naging bayani naman si Marcos!
Hindi kailanman naging bayani si Marcos

Madaming naitayong mga buildings
At umunlad pa ang ekonomiya
Hindi sapat na kabayaran ang pag-unlad ng ekonomiya sa
Dami ng mga namatay nung panahon niya

May disiplina nung panahon niya
Takot ang karamihan kaya disiplinado sila

Mga hindi kayo nag-aaral
Isa ako sa mga biktima ng Martial Law

Sayang ang tax namin sa inyo
Ninakaw ng mga Marcos ang kaban ng bayan

Marcos parin mga ulol
Hindi na dapat maulit ang Martial Law

Siya ay isang magaling na presidente
Siya ay isang salot, pasista, at diktador

Dahil sa kanya, may NLEX at SLEX
Natayo pa ang heart at lung center
Dahil sa kanya, hindi ko na nasilayan pang muli ang asawa at anak ko.

Mga namatay? Hindi totoo 'yan
Marami ang mga namatay at biglang naglaho na parang bula. Ako mismo ay naging saksi nito.

Sobrang peaceful kaya nung panahon niya
Kailan pa naging maingay sa isang sementeryo...

Mga hindi sumusunod sa batas lang ang nakukulong
Pagdating ko sa  bahay, kinuha nila ang asawa at anak ko.
Inosente sila? Nasan ang pruweba niyo?
Nais lang naman nila na ilahad ang katotohanan para sa kanilang mga kababayan

Mga rebelde lang ang pinapatay
Hindi masama na ilahad ang totoo

Tortyur? Wala akong nabalitang ganyan!
Pilit kong binubura sa alaala ang kuryenteng dumaloy sa aking mga ugat

Water Treatment? Russian Roulette? Pinaglololoko niyo lang ako
Naaalala ko pa ang bilang ng tadyak at kalabit ng baril na kailangan kong tiisin. Wala akong kalaban-laban.

Kalimutan na natin ang lahat
Hindi namin kakalimutan ang karahasan na dinanas namin sa panahon niya

Mag-move on na kayo! Matagal nadin namang lumipas yung Martial Law

Kasalanan na ilibing sa limot ang pasakit ng nakaraan

You Might Also Like

0 comments

Popular Posts