3:25:00 AM


nakakubli sa kalawakan: ang mga alaala ng iyong kahapon, ngayon, at bukas 
ni Amrie Cruz

I.
matapos ang pag-ihip at pagpagpag
inilabas ko ang mga larawang kupas na ang kulay
silay'y nakabaon kasama ang mga bagay mula sa panahong
lipas ngunit hindi limot
It’s all over; Marcos flees!

II.
ibinuhos nila ang iyong mga labi sa isang maliit na paso
nakapagtataka na naipagkasya ka nila sa isang marmol na lungga
sabagay, hantungan lamang ng iyong yumaon katawan
ang kaluluwa ay patuloy sa paglibot sa mundo
at pagkata ng mga awit ng pakikidigma

III.
habang nakaturo ka sa hangin ng kawalan
iyong ibinibigkas: tiny worlds floating yet unseen by our untrained eyes
binuksan mo ang iyong maingat na mga palad
iyong ibinulong: naatim niyo ba ang paglaya?
itinaas mo ang iyong mga kamay at hinayaan silang lumipad

IV.
habang pinapakinggan ko ang iyong paghimbing
habang nilalakbay ng aking hintuturo ang kurba ng iyong katawan
habang minememorya ko ang mga konstelasyong ng iyong mga nunal
taimtim silang nanunood at sumabay
sa munting pag-indak ng mga kurtinang naghahagikgikan

V.
nakakulong sa mapanghusgang aparador
at pinagkaitan ng isa na namang hapunan
nabuo sa iyon ang konsepto ng panimdim
ipinangako sa sarili ang pagtutol
sa kalupitan at kakulangan sa malasakit

”nanakubli sa kalawakan: ang mga alaala ng iyong kahapon, ngayon, at bukas.”Alikabok at Takot, Los Baños: UPLB Writers’ Club. 2016.

You Might Also Like

0 comments

Popular Posts