Mula Nayon tungong Lungsod: Lalakbay at Makikibaka

6:29:00 AM



     Ang Lakbayan 2016 ay isang makasaysayang tagpo ng nagkakaisang hanay ng mga katutubo at mga moro. Tangan-tangan ang palabang diwa ng pagkakaisa,  naglakbay sila mula sa kanilang lupang ninuno patungong Kamaynilaan, upang irehistro ang kanilang mga panawagan sa ating kasalukuyanng administrasyon-- sariling pagpapasya at makatarungang kapayapaan. Ito rin ang kanilang naging paraan upang palakasin ang kanilang mga panawagan hinggil sa pandarahas sa kanila ng mga militar, pangangamkam ng lupa at likas yaman.
 
Oplan Bayanihan Hanggang Ngayon
      Sa administrasyong Duterte, patuloy pa rin ang OPLAN BAYANIHAN, isang programang sinimulan ng administrasyong Aquino na naglalayong puntiryahin ang mga rebolusyonaryo pati  na rin ang iba pang mga armadong kilusan. Dahilan ito upang mamalagi ang mga militar sa mga komunidad ng mga katutubo. Patuloy rin ang  pag-aakusa sa kanila na sila ay mga kasapi diumano ng mga armadong grupo na nagiging dahilan ng maraming kaso ng pagpaslang sa mga lider-katutubo. Dagdag pa rito ang patuloy na ang pagsasamantala at panggagahasa sa mga kababaihang katutubo. Hindi rin ligtas ang sektor ng kabataang katutubo dahil maging ang mga paaralan nila ay ginagawang base ng mga militar
na nakahadlang sa kanilang pag-aaral.

"Ang lupa ay buhay"
     Para sa mga katutubo, wala nang hihigit pang kayamanan bukod sa kanilang mga lupang ninuno, isang katotohanang tila hindi pinahahalagan ng ating gobyerno.
 Sa kabila ng pagkasira ng kagubatan, patuloy pa rin ang pangangamkam ng lupa ng mga kapitalistang dayuhang nagmamay-ari ng malalaking minahan dito sa bansa. Patuloy rin ang mga bogus na programa ng ating gobyerno na hindi naman tunay na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga katutubo. Nariyan ang National Greening Program (NGP) na ang layunin lamang ay pagkakitaan ang lupain ng mga katutubo. Imbis kasi na taniman ito ng mga halamang magagamit ng mga katutubo, ay tinatamnan nila ito ng mga punong sila rin naman ang makikinabang. Ito ang kanilang paraan upang sa huli ay mapunta sa kanila ang control sa lupa.

     Nariyan din ang National Commission in Indigenous People (NCIP) na hindi naman pinakikinggan ang mga hinaing at panawagan ng mga katutubo. Laganap dito ang korapsyon at ang pakikipagsabwatan nito sa mga malalaking kapitalista. Tahasan rin nitong pinakikialaman ang mga tradisyunal na pamamaraan na pamumuhay ng mga katutubo.

Lakbayan sa LB            
     Upang higit na mamulat ang sangkaestudyantehan sa tunay na kalagayan ng Pambasang Minorya, minabuting bisitahin ng ating mga LAKBAYANI  ang Unibersidad ng Pilipinas Los Banos. Ngunit imbes na iparamdan sa kanila ang ating suporta, na kaisa nila tayong sektor ng kabataan sa kanilang laban, ay tila isang kibit-balikat lamang ang tugon dito ng administrasyon ng pamantasan. Ang inaasahang suporta mula sa kanila ay hindi naramdaman bagkus pangmamata at pagwawalang bahala lamang ang naranasan ng ating mga kapatid  na katutubo.

     Kasabay ng pagdiriwang na “Loyalty day“ na may temang “Rekindling the UPLB spirit in service of the people" ay ang unang pagtapak ng mga katutubo sa Unibersidad. Nakitang pagkakataon ito para marinig ng mas malawak na hanay na mamayan ang kanilang mga hinaing, kaya sinubukang sumama ng mga katutubo sa parada. Ngunit imbes na sila ay agarang pasamahin at bigyan ng mainit na pagtanggap ay nag-atubili pa ang administrasyon ng Pamantasan. Nariyan at hinarang din ang ilan pang mga naunang dumating na katutubo na pumasok sa Student Union Building upang makapagpahinga. Nasaan na ang sinasabing “service of the people”? Kaninong interes ba ang tunay na isinusulong ng ating pamantasan?

     Hindi pa natatapos dito ang pagwawalang bahala ng ating administrasyon sa mga katutubo. Ilang beses din dinisaprubahan ang paggamit sa Copeland bilang panuluyan pansamantala ng mga katutubo na siyang ginamit din noong nakaraang Manilakbayan. Sa halip ay inialok ang pagkalayo-layong Jamboree na hindi ligtas para sa mga katutubo.  Hindi rin ito magandang lugar para sana mas mapuntahan pa ng mga estudyante na gustong makisalamuha sa mga katutubo. Makailang ulit rin ang panghaharang sa mga katutubo sa pagpasok sa mga gusali ng pamantasan.

Mahaba pang landasin
      Sa kabila ng lahat ng mga pagsubok na kinaharap ng mga Lakbayani, hindi sila patitinag na isulong ang kanilang interes at makibaka para sa kanilang mga karapatan. Katulad rin ng mapanupil na estado, naiintindihan ng ating mga kapatid na katutubo na magpapatuloy pa rin ang pang-aapi't panghahamak hangga’t hindi nababago ang lipunan. Dadalhin nila ang kanilang mga hinaing hanggang makamtan ang tagumpay, ang kalayaan sa sariling pagpapasya, karapatan sa lupang panirikan at sa pagpapa-aalis ng mga militar sa kanilang komunidad.

     Isang malaking hamon ito para sa atin bilang mga iskolar ng bayan na isantabi ang ating mga makasariling interes upang iparating pa sa mas malawak na hanay ng mamayan, labas sa ating sektor, ang tunay na kalagayan ng ating Pambasang Minorya at patuloy na makiisa sa kanilang pakikibaka upang makamit ang matagal nang dapat sa kanila.

You Might Also Like

0 comments

Popular Posts