Opisyal na Pahayag ng Umalohokan, Inc.
Sa unang tatlong araw pa lamang ng rehistrasyon, tila patung-patong na kaguluhan ang pinagdaanan ng mga estudyante ng UPLB dahil sa palpak na implementasyon ng SAIS (Student Academic Information System). Higit pang nagpagalit ang anti-estudyante at komersyalisado nitong katangian; humawak ang administrasyon ng bulto-bultong pera, ngunit kapalit ang gasgas na sistema.
Mahigit 700 milyon ang ginastos sa pagpapatakbo ng SAIS. Malaking halaga ito na maaari sanang maibahagi sa pagdagdag at pagsasaayos ng mga pasilidad at silid-aralan, pagsuporta sa mga faculty at staff, at pagpapaunlad pa ng nakasanayan nang online registration platform na Systemone. Posible sanang mapadali ang online registration ngayong semestre kung naging tama at makaestudyante ang alokasyon ng badyet.
Ngunit taliwas sa inaasahang mas magandang sistema, naging mapanghati ang SAIS at nag-implementa ng mga hindi makatarungang protokol para sa mga mag-aaral. Sila ay hinati ayon sa klasipikasyon (graduating, regular, at irregular) na kung saan iilan lamang ang nabigyang pribilehiyo na makakuha ng mas maraming units kumpara sa iba; at ang naging batayan sa pagkakahati-hati ay ang kaniya-kaniyang scholastic standing mula sa mga naunang semestre. Bukod pa rito, hindi rin binigyan ng pagkakataong makakuha ng slots ang mga estudyanteng may nakabinbin pang bayarin mula sa student loans, mga librong hindi pa naibabalik sa silid-aklatan, at iba pang accountabilities na kakuwestiyon-kuwestiyon at hindi tumutugma sa mismong rekord ng estudyante.
Nang dahil sa depektibong pamamalakad ng SAIS, hindi rin naiwasang isantabi ng mga estudyante ang kalagayang pangseguridad at pangkalusugan makarehistro lamang ng kurso. Pinagpuyatan ng karamihan ang rehistrasyon na nagsimula ng 12 ng hatinggabi, ngunit walang napala ang kalakhan dahil mahirap makapasok sa website nito. Marami rin ang napilitang mag-online sa labas ng kanilang mga tahanan kahit dis-oras na ng gabi. Kumampo rin ang mahigit 400 estudyante sa kampus upang madaling ma-access ang website kahit pasado ala-una na ng madaling araw.
Hindi katanggap-tanggap na magipit ang mga Iskolar ng Bayan sa kalunos-lunos na gulong dulot ng SAIS. Kaya naman, ang Umalohokan, Inc. ay nananawagan sa pagbabasura nito. Ito ay lantarang manipestasyon ng komersyalisado at neo-liberal na edukasyon na matagal nang mga higante sa pagpapahirap ng kalagayang pang-edukasyon. Inaanyayahan namin ang lahat na magsama-sama upang panagutin si Presidente Alfredo Pascual at ang mga administrador na punong arkitekto ng palpak na sistemang SAIS. Sama-sama nating isigaw ang ating mga hinaing na may iisang mensahe: #JunkSAIS!
- 1:57:00 AM
- 0 Comments